Sunday, March 26, 2006

ang champorado, bow

Mga isang taon na rin ang nakakaraan nung meron akong kaibigan na nag tanong sakin na bakit may mga lalaking gago. At minsan, sobrang gago nila dahil di nila nilalabas yung tunay nilang kagaguhan sa simula...papaibigin ka muna, tapos kapag nahulog ka na...tsaka mo malalaman na gago pala siya. pero pag dumating na tong panahon na toh, parang ang hirap na tanggapin na gago siya, kasi nag mumukhang ikaw na ang mas malaking gago kasi umibig ka sa isang gagong tulad niya.

Anyways...ang sabi ko, ang mga lalaki parang champorado.

'Di ko alam kung ano ang iniisip ko non at nasabi ko yun. 'Di naman ako kumakain ng champorado nang mga panahong yon. 'Di ko naman paborito ang champorado. Pero natutuwa ako lalo na't maganda ang pagkaka-twirl ng gatas sa ibabaw nito. Bukod don, wala naman akong espesyal na pag ka akit sa champorado...'di naman kami close. Pero yun ang ginawa kong analohiya para ma-liwanagan at ma pawi ang lungkot ng kaibigan ko. siguro tulad ng isang mainit na champorado kapag bumabagyo at tila naka kulong ang lahat sa second floor ng bahay dahil lubog na sa baha ang first floor. Sabayan mo pa ng maalat na tuyo! Sus!

So, ganon na nga...ang mga lalaki, parang champorado.

O, pwede mong makita ang iba't ibang klase ng mga lalake sa pamamagitan ng champorado. 'Di ko talaga alam kung bakit champorado ang naisip ko. teka, Champorado o Tsamporado? kahit ano...

May mga champorado (read: lalaki) na matabang.
Yung tipong kelangan mo pang lagyan ng gatas at tantsa-tantsahin kung sakto na ba sa panglasa mo yung tamis. Sa isang banda, ok lang naman yung matabang kasi yung ibang tao, gusto yung sila mismo nag titimpla. Iba iba din kasi tipo ng mga tao. Yung iba gusto yung sobrang tamis. Oo nga masarap nga ang matamis, pero pag tagal tagal, sasakit ang ngipin. At ma-rerealize mo na shet, dapat di puro matamis eh. Nakatago kasi sa sarap at tamis yung mga imperfections kadalasan. Sa sobrang tamis, di mo na napapansin na sobra pala pagkaluto nung bigas. O kaya naman, para lang di mapansin yung labnaw nung champorado, tinatamisan nalang. Mahirap mapaliwanag ang mga tao, kaya yung ibang nagluluto ng champorado, tinatabangan nalang.
Pero, meron ding ibang appeal at sense of fulfillment kapag na transform mo yung matabang na champorado at nahuli mo yung saktong sarap niya.

Asahan mong kapag ang gatas sa champorado ay sobrang perpekto ng pag kakabilog sa ibabaw nito o kaya eh parang kumokorteng bulaklak ang gatas, eh baka alanganin ito. yung may saboy pa ng cinnamon at dark chocolate. aba, di na champorado ito...metrosexual na champorado o kaya eh talagang champorada na ito...may mga babaeng type ang mga ganitong malalanding mga champorado.

Ang mga champoradong malabnaw...
maingay...higupin. Ang mga ganitong champorado, parang walang laman. puro ingay lang. di mo mararamdaman ang laman dahil paghigop mo eh diretso na sa lalamunan. sabagay, kung ganito ka labnaw ang champorado mo at wala ka nang magawa. sikmurain mo na nga lang. malamang di ito ginamitan ng malagkit na bigas ng nanay niya.

Champoradong malapot naman, ayos sana...wag lang sosobra sa lapot.
pag sobra kasi sa lapot mahirap pakisamahan...
parang ayaw magpakain.
didikit sa kutsara yan, sa mangkok, at kung saan saan.
gusto niya siya ang bida...pahihirapan ka talaga.

Konti lang naman ang klase ng champorado eh...nagiiba lang din kung anong panahon mo ito kakainin, tsaka sa temperatura nito.
May maputla, meron ding sunog na champorado.
May mainit, may sobrang lamig naman.
pero eto...

Lahat ng champorado, ginamitan man ng malagkit na bigas o puro normal lang na sinandomeng...lahat ng champorado, may kulangot. Oo, kulangot. Sa ilalim ng cocoa, ng chocolate, may naka kubling kulangot. nag papanggap, naghihintay na matuklasan.
may maliit at di kapansin-pansin.
ang mga tulad nito, walang epekto dahil nasasapawan na ito ng sarap. pwede nang palagpasin.
pero meron ding malaki at malupit na kulangot.
yung mga tipong lumilitaw lang kapag patapos ka na, at sarap na sarap na sana sa pagkain.
tapos matutuklasan mo na may napakalaki pang champorado. at huli na ang lahat. huli na para mandiri dahil nakalahati mo na ang champorado mo. itutuloy mo pa ba ang pagkain? mag panggap na parang wala lang ito? magugulat ka ba at itatapon oraorada ang natitirang mangkok at isusuka pa ang nasa sikmura mo na?

lahat ng champorado, may kulangot. sa aking karanasan, mas mabuti pang ipakita na ang natatagong kulangot...ang natatagong baho, natatagong tabang at kung ano ano pang kapintasan. ipakita na kung anong klaseng champorado ka. bahala na kung may magkagusto, o kaya kung may magtitiis sayo.

sa mga kakain at may hawak na na champorado ngayon, sipat sipatin niyo na kung gaano kalaki ang kulangot nito. kung kulay berde ba ito, kung may buhok. amuy amuyin at tikman kung anong lasa nito. at sa pag tuklas mo ng mga kapintasan nito, isipin mo ng mabuti kung patuloy mo bang isusubo ito o hindi. kung kelangan bang dagdagan ng asukal, kung kulang sa lapot o sobra. kung dapat bang i-init ito, o hipan para lumamig ng konti.

tandaan mo din na kahit gaano kasarap ng champorado mo, may mga panahon na mag sasawa ka, masusuya ka. 'Di sa lahat ng panahon, masarap ang champorado. pero pag sigurado ka na at sinulat mo na ang initial ng pangalan mo gamit ang gatas sa ibabaw ng champorado mo, panindigan mo ito. At tanggapin ang katotohanan na lahat ng champorado, may kulangot.

piliin mo yung lasa at korteng kanin.
itapon mo yung mabaho at mabuhok.
basagin mo pa yung mangkok kung kailangan.

matuto kang makuntento.
matuto kang di makuntento.
huwag ka magtanga tangahan.

wag hayaang lumaki ang kulangot sa champorado.

intertwyne

Wednesday, January 12, 2005

mga Dumagat pagkatapos ng Bagyo

ano sa tingin mo?

update tungkol sa mga Dumagat sa kumunidad ng Pinagkampohan sa Dupinga River, Gabaldon, Nueva Ecija.
as emailed at lmundergrad@yahoogroups.com and careforgabaldon@yahoogroups.com

Hello sa inyong lahat. Magkukwento lang ako ng konti tungkol sa trip ko recently sa Gabaldon (Pinagkampohan). Try kong paigsiin lang to. Try ko lang, pero ngayon palang humihingi na ako ng paumanhin kung mahaba, minsan lang naman ako din mag email eh. Sana mahanapan niyo ng kabuluhan tong sinulat ko. Kung gusto niyo ng mas in-depth na kwento (as if), mala journal entry, abangan niyo nalang next email. Salamat sa panahon.

Personally, di ako naniniwala sa aksidente. Para sa akin, lahat ng bagay at pangyayari ay may dahilan. Lahat, kahit mga trahedyang katulad nung mga nakaraang buwan. Kung ano ang dahilan, minsan madaling masagot, pero sa mga pangyayaring katulad ng sumalantang tatlong bagyo sa Pilipinas at sa Tsunami na pumatay ng marami sa Asya, mahirap yata malaman kung ano ang dahilan kung bakit nangyari ang mga ito. Pero ang nakakapagbigay sa akin ng kapayapaan ay ang fact na, meron itong dahilan. May purpose. At higit sa lahat alam ito ng Diyos. Mas mahirap yata kung walang kinalaman ang Diyos sa mga nangyayari, diba? Mahirap intindihin at unawain hindi dahil sa walang kwenta yung dahilan, kundi maliit lang tayo, at napakalaki ng Diyos. Malaki at buhay ang ating Diyos. Tungkol sa purpose ng Diyos sa mga trahedyang nangyari at naranasan nating lahat…Sabi nga sa kanta, ‘Time will reveal’. In His time, that is.

Noong Jan 8&9 pumunta ako sa mga kaibigan nating Dumagat sa Pinagkampohan.
Di ako nakapunta doon nung mga panahong sinasalanta sila ng bagyo, kahit sa pag deliver ng mga relief goods, dahil sa trabaho. Ang saya noh?

Anyways pumunta ako doon magisa, inasahan ko na dahil sa mga nangyari, madaming pagbabago. Totoo nga, madaming nagbago.


Ang Ilog
First time ko uli pumunta doon matapos yung huling Carefor. Nakakita ako ng mga litrato ng salanta ng bagyo, yung ilog sa may tulay, yung mga naanod na mga troso, etc. bago pumunta doon. Inexpect ko na iba na ang itsura ng ilog.

Pag dating ko sa ilog, iba na nga ang itsura. Pag umuulan at nagbabagyo, talaga namang nagiiba ang itsura ng ilog, pero nung makita ko at ng nadadaanan ko na, kakaiba na talaga siya.
Kung dati, halos pitong beses siya kailangan tawirin at minsa’y inaabot pa ng ilang oras, ngayon dalawang beses nalang tatawirin at di pa inabot ng isang oras ang papunta doon. Pwede na nga maglakad sa gitna mismo ng ilog eh. Yung mga malalaking boulders sa malapit sa community, yung mga white water rapids, wala na lahat. Lubog na sa buhangin. Di na din mahirap daanan ang ilog dahil relatively pino na yung mga bato na dadaanan. Kung dati, basang basa tayo lagi pag dating sa Pinagkampohan, nung pumunta ako, halos laylayan lang ng shorts ko ang nabasa.

Nagbago man ang anyo ng ilog, natuwa ako sa pagkakita ko’y malinaw at malinis parin ang tubig nito. Sabi pa nga nila Tatay Ruben, lumabo na nga daw yun dahil umambon nung araw bago ako dumating. Balik na uli siya sa dati niyang pag kalinaw. Naging mababaw man ang ilog, natabunan man ang mga malalaking bato, napangiti parin ako dahil rumaragasa parin ang ilog. Maiintindihan ito ni DG, na kahit mababaw ay kaya ka paring madala ng agos ng ilog.
Malinis, rumaragasa at malamig parin ang ilog ng Dupinga.ü

Ganito ang naging tema ng emotions ko doon sa Dupinga. Mauuna ang lungkot, tapos mapapalitan ng saya dala ng di maikakailang pagasa.

Mga Dumagat
Pag ka dating ko sa may tulay, pinuntahan ko yung mga payugpog(tents) nila dun malapit sa may dam. Wala na pala sila don, buti nalang nakasalubong ko si Tatay Ruben. Kakabalik lang daw ng mga Dumagat sa Pinagkampohan. Sumunod dumating si Kuya Lucio. Susunduin nila sila Rey na magdadala ng gamot. Di nila inasahang darating ako dahil ang may alam lang na pupunta ako ay si Edsel. Tuwang tuwa kami parehas na nagkita kita kami. Todo kamusta ako sa kanila, dahil nag alala din ako sa kanila nung may bagyo. Pero ang sinalubong nila sa akin ay ang mga ngiti nilang totoo. Parang mas nagalala pa nga sila sa akin dahil di ako nakaka dalaw na sa kanila. Wala akong makitang bakas ng lungkot o ng panlulumo na dala ng mga nakaraang trahedya. Nakakatuwa. Matagal tagal kaming naghintay doon para kila Rey. Imbis na lungkot ang Makita ko sa kanila, ang nakita kong nararamdaman nila ay ang anxiousness nilang makabalik sa community dahil nga daw nagsisimula ng magtrabaho para dun sa lilipatan nila doon sa taas ng bundok. Parang ang excited nilang lumipat doon.

Pagdating ko sa Pinagkampohan…sumalubong sa akin ang mga tawanan ng mga bata, at mga ngiti ng mga kababaihan doon. Pagdating ko doon ay tawanan na kagad kami. Pumayat daw ako. Hehehe. Konti lang ang tao sa Pinagkampohan nung dumating ako kasi ang karamihan nasa itaas ng bundok at sinisimulan na ang kanilang mga bahay. Ang mga babae lang at mga bata ang naiwan sa pinagkampohan. Wala ng laman ang ibang mga bahay doon at ang iba ay mukang abandoned na talaga. Desidido na talaga sa paglipat sa itaas.

Nagiba man ang ibang mga bagay doon…sila, hindi.
Isang bagay na kinatuwa ko at pinagpasalamat ko ng husto.

Masayahin at mainit parin sa pagtanggap ang mga Dumagat. Tingin ko nga, naging mas matatag at naging mas united pa sila ngayon, pagkatapos ng bagyo. Kinuwento nila sa akin kung paanong sila Kuya Boy pa at ibang mga Dumagat sa Pinagkampohan ang mga tumulong sa pamimigay ng relief goods sa kapwa nila Dumagat sa ibang lugar. Naramdaman din nila na mapalad sila dahil may mga kamag-anak daw silang mga namatay sa Umiray at kung saan saan pa, pero walang na paano sa kanila sa pinagkampohan.

Sa Sawing Balete
Kinabukasan umakyat na kami sa lilipatan nila sa taas ng bundok sa ibabaw ng Pinagkampohan, sa Sawing Balete.
FYI lang. ang Pinagkampohan, kaya pinagkampohan ang tawag dahil nag kampo daw doon ang mga guerilla nuong panahon ng hapon.
Ang Sawing Balete naman, kaya ganon ang tawag dahil may binata daw na nasawi sa pagibig. Na-busted yata. Umakyat siya sa puno ng Balete at doon tumalon. Ayun, nasawi pati ang buhay niya. Interesting noh? Sabi ni Kuya Jo, nandon pa daw yung puno ng Balete kaso naputol na yata.

May kataasan din ang S. Balete at matarik ang daan. Kulang kulang isang oras din yata naming inakyat yuon. Mga at least 15mins pa na trek paakyat mula sa pinagtaniman ng LM ng seedlings. Ma sukal ang daan at matarik pero maganda ang tanawin. Nakita ko din doon ang pinsala ng ilog sa kapatagan ng Nueva Ecija.
Pagdating naming doon sa tuktok, kung saan nakatayo ang temporary shelters nila, binati ako ng ilang mga pamilyar na mukha. Pag tagal tagal, padami na sila ng padami. Nagdadatingan ang mga kalalakihan na may mga pasan pasang mga pinutol na punong kahoy, mga pang halige nila sa bahay.
Naka allocate na ang mga lupa sa bawat isa. Wala pang nakatayong bahay kasi sabay sabay daw sila mag tatayo. Ang style nila: hanap lahat ng punong kahoy, tabas ng cogon, tapos tulong tulong sa pagtatayo. Hindi sila mag kakanya kanya ng tayo ng bahay, sama sama nilang lahat itatayo, tulong tulong sa pagtayo isa isa ng bahay. Galing noh?
Daming di ko kilala, mga taga Malinao pala na mga Dumagat. Di lang pala sila makapunta sa Pinagkampohan kasi wala silang pwesto doon, pero nung napagpasyahan na lilipat na ang mga taga Pinagkampohan, sumama na din sila. Sabi pa nga ni Kuya Jo, mas pursigido pa nga daw yung mga bago.

Nakapunta na ako dati doon sa taas nung bundok at nakita ko yung mga tanim nila doon na palay, mais at kung ano ano pa. di lang ako sure kung naabot ko yung Sawing Balete. Dati, konti lang ang nagtatanim doon, at ang sabi pa sa amin dati, di daw lahat pusigido mag tanim. Siguro dahil malayo. Yung iba namang may tanim, di nababantayan ng husto. Yung ibang tanim na mais pa daw ay nakakain ng mga unggoy. Pero sa mga nangyayari ngayon, di ko matago ang tuwa ko, dahil mukahang pursigido at nagkakaisa sila sa paglipat doon. Ang sabi pa nga ng isa ay parang daw sa Nueva Viscaya, gusto daw niyang taniman ng kung ano ano, katulad ng mga carrots.
Dahil doon na sila titira, mas malapit na sila sa mga tanim nila. Mababantayan at maaalagaan na nila ang mga tanim nila. Pag tagal tagal nga daw ay hindi na nila kailangang mag-rattan para sa kabuhayan nila. At least di na daw palagi. Mahirap mag rattan at kahit na ito ang kaugalian at naging kultura na din ng mga Dumagat, mahirap na Gawain ito. Nkasama na din ako isang beses ng nagyantok/rattan sila at naramdaman ko ang hirap nito kahit pinapanood ko lang sila. Di hamak na mas madaling magtanim ng palay at ng mga gulay.
May malapit na bukal kung kaya’t di masyadong problema ang tubig.
Habang umiinom kami ng kape, “humahalik sa mga pisngi namin ang ulap” kasabay ng malulutong na tawanan, di ko matago sa kanila kung gaano ako kasaya at excited sa nakikita ko, literally, at nakikita ko sa kinabukasan.

Sa kwentuhan namin ni Kuya Jo, sabi niya, ito raw nasasaksihan namin ay balangkas palang, kumbaga tikim palang iyon sa mga darating pa.
Kung di pa daw dahil sa bagyo di pa daw magkakaisa ang mga dumagat sa pagpunta dito. Dapat daw ay matagal na silang nandito, ayaw lang ng karamihan.

Habang tinuturo nila sa akin ang mga lupa nila, mga plano nilang itanim, mga plano nila sa bahay, kung ilang halige, kung saan nakalaan ang lupa para sa eskwelahan, ang palaruan, kung paanong hindi na sila siguro mahihirapan pag bumabagyo at di makakain, at lahat lahat ng mga magagandang bagay tungkol sa paglipat nila doon, naramdaman kong ito na nga siguro…ito na nga siguro ang purpose ng Diyos sa bagyo para sa mga Dumagat…isang patunay na kumikilos at buhay ang Diyos sa lahat ng bagay.

Tingin ko pati kaluluwa ko ngumingiti noon sa tuwa. Hanggang ngayon, kapag naiisip ko ay nangingiti parin ako. Di ko alam kung maramdaman niyo ang naramdaman kong saya sa mga sinulat ko dito. Kung hindi, pasensya na, punta nalang tayo doon sa Sawing Balete. Malungkot man ang kwento sa likod ng pangalan ng lilipatan nila, kabaliktaran naman ang mararamdaman mo pag nandoon ka…
Parang gusto ko ngang sabihin noon na, “tara na ho, mag tayo na tayo ng bahay, mag tanim na tayo”. Para lang mapabilis at magkaroon na ng katuparan yung nagaabang na kinabukasan sa kanila.


Kada paglubog nga talaga ng araw, ay may nagaabang na magandang umaga.
At napaka-ganda ng umagang nagaabang sa mga kapatid nating Dumagat. Panalangin at suporta parin ang kailangan sa part natin. Magkakaroon lang ng katuparan itong mga pangarap natin kung tulong tulong tayo.


Nung naglalakad na ako sa ilog pauwi…di ko na napansin ang pinagbago ng ilog, ng paligid, lingon nalang ako ng lingon sa tuktok ng bundok kung nasaan ang Sawing Balete…kung nasaan ang mga taong di naantig ng bagyo ang damdamin…
…kung nasaan ang panibagong PAGASA.


Buhay ang Diyos at walang aksidente sa mundong ito.


May dahilan ang Diyos,
Randy






Monday, December 13, 2004

hay buhay

bakit ganon? dumadating talaga yung panahon sa tao kung san parang gusto mo lang mawala bigla. kakulangan ba to sa pananampalataya sa Diyos? kahinaan ba talaga ito? naaalala ko, di naman ako madalas ganito. dahil ba mas matanda na ako ngayon at mas pinapansin at napapansin ang mga bagay bagay, di katulad nung bata bata pa ako na parang walang problema. senyales kaya na tumatanda na ako kaya namomroblema na ako?

naks, ok pla tong blog pag walang kausap.

ano kaya ang masamang epekto ng pagpipigil mag bawas? nakakatamad lang kasi minsang jumebs. lalo na pag public toilet. nakakahiya pag may pumasok. parang kelangan mong sabayan ng ubo yung pag bagsak ng jebs mo. ano bang nakakahiya e pareparehas naman tayong tumatae, diba? iba ba amoy ng tae ng mayaman, mahirap, ng malinis, ng madumi, ng balasubas, ng marangal at ng hangal? pareparehas naman diba? pare parehas tae. lahat tayo tumatae, lahat nag aamoy tae. iba iba mang uri, tae parin. tae ka pala eh!

hmmmmm...tae!


ang masama ay kung kahit di ka tumatae, amoy tae ka parin!


ganda...magandang simula ng blog ito ah...simulan sa pag tae. sa paksang tae!




Sunday, December 12, 2004

bago nanaman

bagong teknolohiya na naman ito ah. ano kaya madudulot nito sa buhay ko? malalaman ko din pag tagal tagal.